Monday, July 27, 2015



Tamang Panahon - essential daw ‘to sa pagpasok sa relasyon lalo na’t kung ang gusto nating kahantungan nito ay kasalan.  Sino nga naman ang may gustong pumasok sa relasyon para lang masaktan? Kaya uber inggit ang mga bagets sa mga Young Pro na nasa right time na at pwede nang magpatunay na mayroong forever kasama ang kanilang lablab.

Noong nag-18 ako, akala ko okay na para sa isang babae ang pumasok sa relasyon. Noong nag-college ako, akala ko, okay na okay na para isang fresh grad ang pumasok sa relasyon. Well, siguro kani-kaniya nga iyan ng paniniwala. Kahit magpunta ako sa iba’t ibang probinsya sa bansa, meron talagang mga pagkatapos magHighschool ay nag-aasawa na. Kahit noong panahon ng mga lolo’t lola natin, maaga rin silang mga nagsisipag-asawa. Ngayon, kung hindi kinasal dahil nabuntis ay sobrang late naman kung nag-aasawa. Anong meron sa kanila na wala sa atin? Kailan ba dumadating ang tamang panahon?

Ang pagdating ng tamang panahon ay hindi dinidikta ng edad. Ang pagdating ng tamang panahon ay ang pagdating ng tamang ikaw. Maaring tumatakbo ang oras at nasa right age ka na pero hindi ka pa rin handa. #angsaklap. Minsan ma-brobroken hearted ka dahil hindi naging kayo or nagbreak kayo. Papayag ka ba na hindi ka na lang handa palagi?

Mayroon akong 3 bagay na napansin na pwedeng paghandaan para hindi naman sayang ang oras nang nakanganga ka lang:

1. Sense of Responsibility. 

Ito yung factor na meron sa mga taga-probinsya o sa ating mga lolo’t lola kaya’t maaga silang nakakapagumpisa ng forever. Alam nila kung paanong tumayo sa sarili nilang mga paa at kaya nilang mabuhay. Dito sa ciudad, mas marami sa atin ang nakaharap sa facebook, tambay sa mall, nakahilata at tila hindi mabubuhay kung mag-iisa lamang at wala si Nanay.

Kailangan mong matuto na maging responsable hindi lamang sa iyong sarili kundi sa taong mamahalin mo. Magcocommit ka sa kaniya na panganalagaan mo siya, spiritual, physical, emotional, etc. tapos ikaw mismo, hindi mo kayang maging responsable sa sarili mo? Dapat reliable ka rin sa bawat salitang bibitawan mo at marunong ka ring umako ng mga pagkakamaling nagawa. Sabi nga ni Uncle Ben ni Spiderman, “With great power comes great responsibility”. Ang pagdating ng tamang panahon ay parang kalayaan at kapangyarihan na may kaakibat na responsibilidad. Iyan din ang napansin ko sa mga kaibigan na  nag-asawa na at nagkaanak, maaga man o hindi, naging responsable sila dahil iyon ang tangi nilang choice.

2. Self Mastery
Bago mo naising maging intimate sa isang tao, kilalanin mo muna ang iyong sarili. Wala nang masiinam pa kundi ang makuha mo ang iyong identity sa Lumikha sa iyo. Siya ang nakakaalam kung sino kang talaga, kung paano ka aayusin at kung ano ang iyong purpose sa mundo. Paano ka niya kikilalanin kung ikaw mismo ay hindi mo alam kung sino ka? Paano ka magjojourney kasama ang isang tao kung hindi mo alam kung saan ang direksyon mo?

At kung kilala mo na ang sarili mo at alam mo na ang direksyon mo, naididisplina mo na ba ang sarili mong tumanggi sa tawag ng kasalanan o paggragratify ng iyong mga cravings na hindi pa dapat? Hangga’t hindi mo namamaster sa sarili ang paghahanap mo kay Lord, pagdumating na yung someone na hinihintay mo, ay baka mayari ka’t hindi ka lalong makapagfocus.

3. Loving Unconditionally
Kung ang sarili mong mga magulang, kapatid, kaibigan o kahit sarili ay hindi mo magawang matanggap o mahalin kung sino sila o patawarin sila sa mga nagawang mali, sa tingin ko, hindi ka pa talagang nagmamahal. Madaling magpaka-cheesy at bumanat ng  “Aanhin ko pa ang google eh noong nakita na kita, the search is over”. Madaling ipagkamali ang emosyon sa tunay pag-ibig. Madaling sabihin na “tanggap kita kahit sino ka pa”. Pero kapag real thing na, baka umatras ka. Baka kapag dumating na sa punto na hindi mo na kontrolado ang sitwasyon, mawala din iyan. Baka kapag hindi na siya kaakit akit ay ayaw mo na. Baka kapag hindi niya na naaabot ang expectations mo ay ayaw mo na. Baka kapag sinaktan ka na, ayaw mo na. Baka kapag dumadaan ka na sa sakripisyo at responsibilidad ay bumitaw ka nalang. Kailangan mong malaman at maexperience ang tunay na pagmamahal sa iyo ni Lord. Diyan ka lang makakahugot ng pagmamahal at pagpapatawad na nagooverflow para mahalin ang iba kahit masakit at kahit parang hindi mo kaya.

Minsan inip na inip tayong hintayin ang tamang panahon. Minsan, akala nating parusa ang ginagawa ng Diyos sa atin. "Binigyan Mo ako ng desire para mahalin at magmahal. Nakita ko na yung gusto ko. Bakit gano’n. Para ano? Para masaktan lang ako?” Ang totoo niyan, kaya Niya pinaglaanan ng tamang panahon ang mga desire na iyon, ay hindi para itorture tayo. Kundi  para i-cherish at pahalagahan natin ito ng lubusan, maging responsable tayo sa regalong ilalaan niya pagdating ng tamang panahon. Habang “mali” pa ang panahon, matutong mag-enjoy sa buhay. Maghanda. Lasapin ang fresh air. Magtravel around. Matuto magdecide. Mahalin ang sarili. Mahalin ang kapwa. Hanapin ang sarili kay Lord. Hanapin si Lord. Mahalin si Lord. At maligo ng pagmamahal kay Lord.

Visitors

Popular Post

Followers

- Copyright © 2013 Prisoner's Free -Metrominimalist- Powered by Blogger - Designed by Johanes Djogan -