- Back to Home »
- Perspective 6:14 ng Isang Agila
Noong college pa ako, muntik na akong mahulog sa isang relasyong hindi dapat. Hindi siya Christian at nag-aaral pa ko noon. Pero dahil binigyan ako ng powers ni Lord na makita ang future, marami akong napagtanto na hindi ko nagustuhan kung ito ay aking papatulan. Eto ang ilan:
1. Babaeng mababa ang lipad
Pinagkalooban ako ng aking Manlilikha ng malalaking pakpak upang makalipad at gawin ang napakaraming bagay. Bilang babaeng nagsusubmit sa kaniyang minamahal, hindi ako maaring mas-umangat pa kaysa sa kaniya. Bilang respeto sa ginoo, alam kong makakasakit sa kaniyang ego kung maiiwan ko siya sa ere. Hindi ko minamaliit ang mga unbelievers. Pero dahil hindi sila "BELIEVE"-ers, hindi nila kayang pumayagpag sa buhay nang hindi nakabase sa sinasabi ng mundo. Ang kaya lamang nilang paniwalaan ay kung anong nakikita ng mata at possibleng magawa ng mga kamay.
2. Hanggang dito lang..
Ang buhay ko sa Panginoon ay isang malawak na horizon. Siya ang aking hangin. Siya ang nagdadala sa akin sa mga lugar na hindi pa naabot mg aking mga mata. Naisip ko, paano akong lilipad kasama ang isang hindi lubos na naniniwala sa Kaniya? May mga bagay na ipapagawa sa akin ang aking Manlilikha na hindi ko maaring magawa dahil may pipigil. May mga "steps of faith" na hindi ko na maihahakbang dahil hindi naman ito maiintindihan ng aking kasama. Ang buhay ay tila nakagapos sa puno.
3. Magkaiba ng direksyon.
Alam ko kung anong daan ang aking tinatahak. Maging siya ay mayroon din. Ang masakit, magkaiba kami ng direksyon sa buhay. Kung kami ay pagtataliin at sabay na lilipad, magkakasakitan lamang kami. Kung susunod ako sa direksyon niya, hindi ko na kailanman makikita pa ang inihandang plano ng aking Manlilikha.
4. Miserable
Kung susuway ako, magkakaroon ng lamat ang relasyon ko sa aking Panginoon. Malalayo ako sa kinagisnan kong buhay at sa minahal kong hangin. Ang pag-ibig na siyang magpapanatili at magpapalakas sa akin ay hindi magiging sapat. Miserable ang buhay at magiging sanhi ito ng aking pagkamatay.
Ilan lamang ito sa aking napuna. Lubos akong natutuwa dahil binigyan Niya ako ng karunungan noong panahong iyon. Napatunayan kong hindi nasayang ang aking ginawang pagtitiwala.
Hindi ko pa man natatanaw ang kabuuan ng larawan, ngunit palagi akong sabik na magpasalamat sa bawat araw na ginising Niya ako upang lumipad ulit. Kung kailan man Niya ako bibigyan ng kasabay, Siya ang bahala. Ngunit ang alam ko, ito'y magiging matayog, malawak, maganda at may patutunguhang iisa.